Pakshet!
Napapagtanto ko na tunay akong jologs. Pinagtibay pa ng strong feeling ko na jologs nga ako ng isang “sosyal quiz” kung saan 15 out 200 lang ang nasagot ko nang tama. Uso kasi sa opisina namin yon ngayon. Yung mga excel games. Halimbawa, sa kaso ng “sosyal quiz”, meron kang sunud-sunod na tanong na dapat sagutin na tungkol sa lahat ng bagay na sosyal—sapatos, kotse, bag, hotel, etc. At hala! Banung-bano ako. Halos wala nga yatang bahid ng ka-sosyalan ang pagkatao ko.
Marahil ipinanganak nga talaga akong jologs. Di ko naman ipinagkakaila na sa isang government maternity hospital ako iniluwal ng mommy ko. Isang ospital kung saan ilang daang (o libong) nanay ang nanganganak ng ilang daang (o libong) sanggol kada-araw. Therefore ako na nga yung tinatawag na jologs since birth.
Tapos di tulad ng ibang bata na pinalaki sa mga Roald Dahl, Hans Christen Anderson at Dr. Seuss stories, ang kinagisnan kong mga kwento ay yung mga drama sa radyo. Ang pinaka naaalala ko ay yung pinamagatang Yaya Maria. Seryoso naming pinakikinggan ng mommy ko iyon tuwing tanghali. At since may TV na rin naman kami noon—naaalala ko pa kung gaano kami kasaya ng ate ko nang bumaba ng taxi ang daddy namin bitbit ang bago naming TV—nakakanood din kami ng Agila, Coney Reyes on Camera, at Lovingly Yours, Helen tuwing hapon ng weekdays, Saturdays, at Sundays, respectively. Solb na ang entertainment namin noon.
Pero sa lahat siguro ng jologs, ako yung OC. Kaya naman hindi ko nasubukang kumain ng alateris (berries ng mga jologs) o kaya naman e tumira ng one-day old chick. Para kasing ang dumi nila! Hindi rin ako masyadong naghawak ng mga tutubing madalas hulihin ng mga kalaro ko noon. Takot kasi ako sa mga galamay ng insekto! Proud naman ako sa fact na hindi ako kinuto noong bata pa ako kahit na matagal akong nakabilad sa ilalim ni haring araw sa kakalaro. Naging advantage ko yung manipis kong buhok na laging maiksi. Ayaw kasi ng mommy ko na magpahaba ako ng buhok. Di raw kasi ako marunong magsuklay.
Ipinasok ako ng mga magulang ko sa isang relatively sosyal na eskwelahan. Pero ang panalo roon, napabilang ako sa batch na tinutuya ng iba pang batch (yung mga naiinggit sa amin) ng “jologs.” Doon ko nga unang narinig ang salitang “jologs,” ang salitang directly nagdedescribe pala sa akin.
“Synonymous sya sa ‘skwating’,” yun yung explanation ng classmate ko. Parang low class, not necessarily ang estado sa buhay kung hindi pati yung taste mo at yung way mong kumilos. Pero may mas structured definition pa ang jologs. Sa isang quick research, ito ang nakita ko sa Urban Dictionary:
JOLOGS
1. Derived from the combined words daing (salted fish), tuyo (a type of dried fish) and itlog (egg). Dyolog then became Jolog, a term for someone who is tacky, but implied in a more negative tone and often referred to people who belong to the lower class of society.
2. "Baduy", "skwating", tacky
3. Someone who likes Jolina Magdangal (a tacky, teeny-bopper wannabe)
4. Jolina Organization
5. Someone from the lower class of society who tries to be cool but ends up a failure and in turn becomes a "jolog"
6. Anything or anyone associated with things that are "pang-masa" (for the masses)
High school na ako nang mamulat ako na there’s such a thing as jologsness pala. At kahit natuto nga akong magsalita ng matinong Ingles, the jologs in me never died. (Parang pers lab ang jologsness. It never dies! Hehe.)
Sa college, nagulat ako nang nakarinig ako minsan ng reaksyon na mukha raw akong sosyal. Mukha lang yon. Kita ninyo ngang pag tumawa ako I go, “hehe” not “hihi” (demure) or “haha” (confident sosyal).
In the not too distant past, naikwento ko sa ate ko ang sort-of boy ng “boy trouble” ko. (Shet! Rebelasyon ito!) Ang una niyang tanong sa akin, “hindi naman siya jologs?” Aha! Natawa ako sa concern niya. Ikinuwento ko yon sa berk ko. (Notice that I referred to my friend as “berk”, singular form ng “berks” na short for “barkada.” Jologs ang term na “berks” kasi title yon ng isang baduy teen TV show sa ABS-CBN noon)
Na-curious ang berk. “Ano’ng sinagot mo?” Tanong niya.
“Umm..taga-UP siya.” Yun ang sagot ko.
Without hesitation, ang hinirit ng berk ko, “jologs nga!”
Bago mag-amok ang mga iskolar ng bayan, you ought to know na yung berk ko ay taga-UP rin kaya naman she should know na we, UP students, although considered intellectual elites, we do have the makings of a true blue jologs.
Anyway, sa tinagal-tagal ko sa UP, ang isa sa tinangka kong salihang contest ay yung jologs-quiz. Malakas ang pakiramdam ko na magshashine ako roon. Unfortunately, hindi ako naka-pagparegister para doon. Sayang! Kung tinanong sa akin yung mga characters ng T.G.I.S. pihadong perfect score ako agad!
Hay, akala ko kapag nagtatrabaho na ako, medyo mababawasan na ang ka-jologsan ko pero hindi pa rin. Aside from the fact na nagji-jeep ako papasok sa office, kailangan ko pang mag-tricycle ngayon. Siyet! Unglamorous talaga!
At kahit pa madalas Hollywood chika ang pinagkakaabalahan ko instead na local, jologs pa rin dahil ang showbiz tsismis ay showbiz tsismis. Jologs ang showbiz; jologs ang tsismis.
Ang bad trip lang sa pagiging jologs e yung kapag pumasok ka sa isang sosyal ng store, tinatasan ka ng kilay ng mga saleslady. Ang mali nila, hindi nila naisip na jologs man ako, kaya kong bilhin ang mga merchandise nila. Hah, may credit card yata ako! (Kung kaya kong bayaran ang credit card ko, well, that’s another story!)
Ang hirap sa kanila masyado silang mapang-mata! Hmp! (Imagine me saying these lines in a Nora Aunor manner.) Hindi ko maiwasang isipin na paano kaya kung bigla ko silang Inglisin, titklop kaya sila? Magiging sosyal na kaya ako sa mga mata nila? Hmmm…
Ang advantage naman ng pagiging jologs e mahirap kang mapahiya. Kasi naman sa pagka-jologs mo, deadma na sa poise most of the time. Kahit matalisod ako sa gitna ng crowd, keri lang. Op course, may chance na mapamura ako ng PI, pero mas natural naman yon kesa sa “sonnova…!”
Hindi ko kayang magpanggap na jologs. Dahil jologs talaga ako. Never akong naging fan nina Jolina, Juday (lalo na nung ka-love team pa niya si Wowee) or ni April boy, pero I feel that I am more jologs than soyal. Perhaps ang edge ko lang sa mga kinaiinisang mga fellow jologs e, I am a jologette (babaeng jologs according sa play na Last Order sa Penguin) with manners, or so I think.
Sosyal? If I try hard enough, pwede naman siguro akong magpakasosyal. Kaso nakakapagod yata yon. Effort pa.
At ika nga, “magpakatotoo ka, sister!”
Therefore, jologs I shall continue to be!