Sunday, January 14, 2007

Ass ng Iba-TALUMPATI

Habang nag-aayos ako ng mga files ko noong isang araw, nakita ko itong talumpati na isinulat ko laban sa aking kagustuhan noon pang Oktubre 2004. Marahil maiintindihan ninyo ako ng maigi kung isasama ko ang isang palitan ng text message sa pagitan ko at ng isa kong kabarkada.

BATTIK: ako’y nagngingitngit ngaUn! Napasubo ako tnx 2 my mudra! Me berk sya n nagpagawa ng freakin TALUMPATI. Para sa anak nya na SO constipated…college na, di pa makagawa ng sariling homework. F*ck! Wat has the world come down to? Pardon d profanity.
LUNA: OK lng…dapat inom sya fibrosine. Noypi b sya?
B: Noyping tamad who aparently can afford to pay sum1 2 do his work. R we dis destitute to sel r brains 2 a nonthinking Neanderthal? Pucha, galit talaga ako! I cnt sa no :(
L:Balik na lng sya sa stone age. Sbhin mo 1st & last yan, bka mawili..At kng anu ano pang ipagawa sa u. Herrer, earth 2 ol nonthinking mammalia!

Sa manilawa kayo o sa hindi, nakasave sa file ko ang talumpating ito sa ilalim ng pangalang, “Ass ng iba-TALUMPATI.” Tamang tama pala ito para sa plano kong isulat ukol sa pagtaas ng matrikula sa UP na hindi ko pa magawa dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa nababasa ang 2 isyu ng Philippine Daily Inquirer na itinabi ko ilang lingo na ang nakararaan. Sa bawat isyu na ito, pinag-usapan ang bagong patakaran sa pagsingil sa matrikula ng mga Iskolar ng bayan. At para mapagtibay ang halaga ng edukasyon, makabubuti talagang basahin ang talumpating hindi ko inakala na magagamit ko sa iba pang bagay bukod sa turuan ng leksyon ang isang pasaway na estudyante.

Ass ng Iba-TALUMPATI

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”—mahigit sandaang taon na ang nakakalipas nang sambitin ang mga katagang ito ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Gayunpaman, hindi naglalaho ang katotohanang dala ng mga salitang ito mapasa hanggang ngayon sapagkat gaano man kadilim o kasalimuot ang kinakaharap ng mga kabataan sa panahon nating ito, sa kanila pa rin nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.

Nakakalungkot mang isipin, maraming karapatan ang mga kabataan na nasusulat sa ating saligang batas ang naipagkakait sa kanila. Isa na rito ang karapatang makakuha ng sapat na edukasyon. Oo, mayroong mga paaralan para sa mga batang salat sa buhay. Lamang, maraming kulang sa mura, kung hindi man libreng, edukasyong ito.

Kung hindi pa dahil sa pananakop ng mga Amerikano noon, hindi maipaaabot sa mga naghihikahos sa buhay ang edukasyon. Ngayon, hindi lamang mayayaman ang maaaring makapag-aral. May pag-asa na rin ang mga pobreng Pilipino. Ngunit hindi naman doon nagtatapos ang lahat. Hindi sapat ang matutong magbasa o magsulat ang isang bata. Aanhin ni Nene ang pagbabasa kung wala naman siyang naiintindihan? Aanhin ni Totoy ang pagsusulat kung hindi naman niya kayang mag-isip ng isusulat niya?

Ilan lamang ito sa mga nakakapagpabagabag na tanong na dapat isipin ng mga pinuno ng ating bayan, pati na rin ng mga guro sa lahat ng paaralan sa bansa. Hindi natatapos ang pag-aaral sa pagsambit ng mga salitang matatagpuan sa pahina ng mga libro sa paaralan. Hindi nangangahulugang may natutunan ang isang bata kung puno ang kanyang kwaderno ng mga salitang kinopya lamang niya sa pisara. Hindi robot ang mga batang Pilipino. Kailangan nilang matutong mag-isip, hindi manggaya.

Hindi mapagkakaila na palala nang palala ang kaledad ng edukasyon sa ating bansa. Sa panahon kung saan globalisasyon ang susi sa pag-angat ng ekonomiya ng isang bansa, tila yata mas lumiliit ang chansa nating makisabay sa agos na ito. Hindi natin kayang makipagsabayan sa nga dayuhan kung kaunti lang ang nalalaman natin. Kapag nagkaganoon, nangangamba ako kung saan na lang pupulutin ang ating bayan lima o sampung taon mula ngayon.

Noong nakaraang linggo lamang, nabalita ang problema sa ilang aklat na ginagamit sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Ang isa sa mga aklat na ito ay naglalaman ng mahigit sa anim na pung maling katotohanan. Ang naturingang kuhanan ng “katotohanan” ay mali pala!

Plano ba ng mga namahagi ng mga aklat na ito na iligaw ang mga bata sa daan patungo sa karunungan? Hindi pa ba sapat na nagtitiis ang pawis na pawis na mga Pilipinong estudyante sa silid aralan nilang tumutulo ang kisame tuwing umuulan? Hindi pa ba problema ang humigit kumulang isandaang mag-aaral na nananalanging maalala ng nag-iisa nilang guro ang kanilang pangalan o mukha man lang? Tama bang gawing kampante na lang sina Nene at Totoy sa kanilang aklat na mali naman pala ang dalang impormasyon? Kung akala ng mga may-akda ng aklat na ito na hindi makakasama sa mga batang Pilipino ang lumaking naniniwala na si Chiang Kai Chek ang nagtatag ng komunismo sa bansang Tsina, nagkakamali sila.

Dahil na rin sa lumalalang ekonomiya ng ating bansa, maraming mga magulang ang hindi kayang ipadala sa mga magagandang paaralan ang kanila mga anak. Marami nang ring mga kaso kung saan kailangang lumipat ng isang bata mula sa isang private school patungo sa public school. Mayroong dalang masasamang epekto ang mga ganitong sitwasyon sa mga bata ngunit wala naman silang magagawa kundi ang tanggapin ang mapait na katotohanan na minsan, kailangan nilang magpakumbaba.

Hindi kailangan ninumang maging bulag, pipi, o bingi upang hindi mapansin na sa bansang tulad nang sa atin, higit na nakararami ang nagtitiis sa “pwede nang edukasyon.” Mayroong mga masuswerteng nakakatanggap ng, sabihin nating, mataas na kaledad ng edukasyon. Sa mga masuswerteng ito, hindi maitatanggi na mangilan-ngilan lang ang nagseseryoso sa kanilang pag-aaral. Nakakalungkot isipin pero, mayroon talagang mga taong hindi naiisip na base sa mga tinatamasa nila sa buhay higit na maswerte sila sa nakararami.

Kaunti na lang nga ang nakakatanggap ng disenteng edukasyon, hindi pa lahat nang ito ay nagbibigay ng nararapat na kahulugan sa kung anumang mayroon sila. Lalo tuloy lumiliit ang bilang ng mga kabataang maaring makapagdala ng maliwanag na pag-asa sa ating bayan.

Nais kong maniwala na likas na matatalino ang mga Pilipino. Sayang lang dahil tila walang sinuman sa ating pamahalaan ang nangangambang mapasawala ang talinong ito. Habang hindi binibigyan ng kaukulang pansin ang bumababang kaledad ng edukasyon sa ating bansa, kailangan nating tanggapin na magiging madilim ang hinaharap ng ating bansa. At hanggang hindi naihahanda nang husto ang naturingang pag-asa ng ating bayan, malayong makamit natin ang kaunlarang matagal na nating minimithi.

No comments:

Add to Technorati Favorites