Sunday, October 14, 2007

Sa Simoy ng Malamig na Hangin

Malamig na ang simoy ng hangin. Nangangahulugan lamang na paparating na ang Pasko.

Ngunit ang bawat ihip ng malamig na hangin na dati kong inaasam-asam, ngayon ay kurot sa nagluluksa kong puso. Masakit nitong pinapaalala sa akin na darating ang Pasko kahit na malungkot ako. Kahit na tumitigil ang mundo ko sa bawat alaala ng yumao kong kapatid.

Hindi ko alam kung papaano na nga ba ang gagawin ko pagsapit ng araw kung saan lahat ay nagsasaya. Lahat ay nagpapasalamat kung ano ang mayroon sila.

Natatakot ako na ngayong taon, ang bukod-tanging mananahan sa isip ko ay yaong wala sa akin. Ang kapatid ko. Siyang laging masayang nag-aabang ng Pasko. Siyang isa sa mga hinahandugan ko ng pinakaespesyal na regalong nakayanan ko.

Marahil ay tutulo na lamang ang mga luha, mas marami kaysa sa araw araw kong itinatangis. Siguro’y aatakihin ako ng sakit na araw araw kong sinusubukang ikubli para lang magmukhang normal at matatag.

Ngunit ang katotohanan, naglalakad ako, nagtatrabaho, nakikihalubilo sa kapwa ko at patuloy na namumuhay nang butas ang pagkatao. May kulang sa akin. Nailibing iyon kasama ng aking kapatid.

Madalas akong humingi ng tawad sa kanya dahil nagkakaganito ako gayong sinabi ko sa kanya bago siya pumanaw na wala siyang dapat alalahanin sakaling piliin niyang mamahinga. Hindi ko akalain na mahirap pala ang ipinangako ko sa kanya.

Maramot ako sa pamamahagi ng aking pagmamahal. Sadyang pili lamang ang mga tao kung kanino kaya kong ipadama ang pagmamahal ko nang walang pag-aalinlangan. Nakakalungkot dahil isa pa sa kanila ang kinailangang mawala.

Marahil nga may dahilan kung bakit dapat mangyari ito. Kung bakit dapat pumanaw ng kapatid ko. Kung bakit dapat kong danasin ang ganitong sakit. Maski sa gitna ng mga kirot na nadarama ko, kaya kong ibigay ang mga dahilang iyon. Lamang, hindi nito mapapawi ang kalungkutan ko na dala ng panghihinayang at pag-aasam na makapiling ko muli ang kapatid ko.

Ewan ko kung gaano katagal ako magtitiis at kung ilang beses ako dapat humingi ng tawad sa kalungkutan kong ito. Hindi ko talaga alam.

Sa ngayon kailangan ko lang talagang mabuhay sa katotohanang wala na siya at kahit ano pang iyak ang gawin ko ay hindi na siya muling babalik. Kailangan kong ikurap ang aking mga mata para mabura ang anumang larawan niya habang siya’y naghihirap, ang mga nakakabagabag na sulyap sa mga mas malala pang bagay na kanyang tiniis.

Ang alaala na lang ng kanyang mga ngiti ang magliligtas sa akin. Iyon ang magpapaalala sa akin na di na ako dapat malungkot. Hindi ko na dapat alalahanin pa kung ano ang dapat ko pang nagawa at kung ano ang mga naging pagkukulang ko. Hindi na iyon mahalaga ngayon.

Mahal na mahal ko ang kapatid ko bagaman may mga panahong di kami nagkakasundo o may pagkukulang ako. Alam ko naman na mahal din niya ako. Gaya nga ng sinabi niya sa akin noon, kung gaano ko man siya kamahal, ang pagmamahal niya sa akin, “lampas pa doon!”


At kung kakayanin ko, iisipin ko na lang na hindi kurot at pait ang dulot ng malamig na simoy ng hangin. Bagkus, iyon ang kanyang mga halik na dati na niyang, walang pag-aatubiling binibigay sa akin.

1 comment:

Anonymous said...

Just like to share with you..

Yesterday, napansin ko todo smile si baby yzee na parang may gustong kausapin, nakatingin sya sa left side nya. kmeng dalawa lang sa room nasa right nya ako, una ko kaagad naisip si Nichi.

Nagsalita ako ng malakas, sabi ko Tito Nichi tignan mo eyelashes ni baby, mana sa yo.. mahaba at malantik. Tapos sabi ko kay yzee.. baby, play ba kayo ni Tito Nichi ngayon? Angel mo sya, lagi ka nyang binabantayan. Deep inside naghahanap ako ng sign na nasa room din si Nichi... then Yzee gave her most dazzling smile.

Naluha ako.. kse naiimagine ko si Nichi. masayang masayang nakatingin kay Yzee, nagpapakitang gilas para mapangiti ang mahal na mahal nyang pamangkin.

Add to Technorati Favorites