Nagsalita na si Joey De Leon ukol sa drama ispeysyal ni Willie Revillame.
Maraming bumabatikos kay Joey. Kesyo bakit kailangan pa niyang magsalita? Mayroon pang mga patudtsada sa pagkatao niya.
Kinailangang sumagot ni Joey dahil hinamon siya ni Willie nang walang sapat na dahilan. Natural lamang na ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Ginamit siya ni Willie para maibaling ang spotlight mula sa kapalpakan ni Willie at ng show niya patungo sa pagkatao ni Joey. Pinersonal ni Willie si Joey para magalit ang mga tao sa huli. Sa paraang iyon, na-guarantee ni Willie na sa kanya pa rin ang simpatya ng mga tagasunod nya. Kaya naman kalokohan ang sinabi niya kay Joey na, “Sa yo na ang ratings mo!” Dahil sa pagngawa niya na parang bata, ginawan na rin niya ng paraan para masiguradong di siya iiwan ng kanyang mga tagasunod.
Ngayon ako naman ang magbibigay ng aking kuru-kuro. Hindi ako nakikisali sa issue dahil lamang naaasar ako kay Willie, trip ko lang, tsismosa ako or uso kasi. Ginugugol ko ang aking panahon sa gulong ito dahil manonood rin ako. Bahagi rin ako ng masang Pilipino na nagpapatuloy sa kanilang mga tahanan ng mga artistang kagaya nina Willie at Joey sa pamamagitan ng pagbubukas ng telebisyon. At dahil doon, isa ako sa mga nainsulto sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw.
Unang una, nandaya man o hindi, dapat ay nag-offer ng paliwanag sina Willie at ang kampo niya dahil ang pagkakamaling naganap sa show nila ay tunay na hindi nakakatawa at lalong hindi nakakatuwa. Nauto na nina Willie ang maraming tao noon. Hindi man nila ginustong mamatay ang mga tagasunod nila noon sa Ultra, malaki pa rin ang pananagutan nila sa trahedyang iyon. Pasalamat na lang sila at marami pa rin ang nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan at patuloy na nanalig sa kanilang show. Kaya naman parang walang nangyari at patuloy ang saya sa Wowowee. After a tragedy like that, the last thing the Wowowee fans needed was for them to be cheated. Heto nga’t nalagasan na sila ng buhay, tapos malalaman-lamanan pa nila na posibleng may dayaan sa palabas na walang humpay nilang tinatangkilik mula Lunes hanggang Sabado.
Ang lagay kasi, hindi tanga ang mga tao gaya marahil ng iniisip nina Willie and company. Sasagi at sasagi sa kanilang isipan ang implikasyon ng mga bagay na nakikita nila kagaya nung nangyari sa umano’y pangalawang run ng game na Wilyunaryo. Hindi maikukubli na may anomalya sa nasabing game dahil kitang-kita naman siya at, salamat sa Youtube, pwede siyang panuorin ninuman ng ilang beses sa internet.
Pero hindi nagsalita ang mga dapat sana’y magpaliwanag ukol sa issue. Naunahan tuloy sila ng tsismisan sa text, sa internet at sa mga kanto ng kung anumang barangay. Naunahan din sila ng matalim at mapaglarong dila ni Joey de Leon na noon pa ma’y mahilig nang sumundot ng mga hayagang pasaring sa anumang issue na naiisip niya.
Siguro nga, napikon si Willie kaya inumpisahan niya ang kanyang show isang araw na mistulang batang inakusahan ng kalaro niyang nanggancho sa hatian ng kendi nilang magkakaibigan. Sa mga pagdadrama at pagmomonologue ni Willie, hindi niya ibinigay ang sagot sa tanong na “ano ba talaga ang nangyari?” Tinanggi niyang mandaraya siya at saka nagbuhos ng sama ng loob laban kay Joey. Period. Nasaan ang tamang pangangatwiran doon?
Sa mga na-touch sa mga sinabi ni Willie, mawalang galang na po. Punasan po muna ninyo ang mga luha ninyo at isipin kung ano nga ba ang sinasabi ng idolo ninyo kung meron man siyang sinasabi. Kayo po kasi ang biktima sa hindi niya pagpapaliwanag. Kayo ang maaaring niloko niya kung manloloko man siya. Sa inyo siya pumalpak kung pumalpak lang nga talaga siya at tunay na wala siyang intensyong manggulang.
Maraming problema si Willie sa buhay. Pero wala iyong koneksyon sa nangyari sa Wilyunaryo. Nakipaglamay si Willie sa mga kamag-anak ninyong namatay sa Ultra, isang bagay na dapat naman niya talagang gawin bilang isang tao at bilang mahalagang bahagi ng Wowowee, pero hindi nangangahulugan na abswelto na siya sa isang malaman na pagpapaliwanag. "Inaapi" si Willie ni Joey kaya naman mas lalong dapat sabihin ni Willie kung ano ba talaga ang nangyari.
Ang kaso ni Willie at ang ginawa niya ay isang simpleng ehemplo ng tinatawag na “pointing fingers”. Sa halip na talakayin niya kung anuman ang kinalaman niya o ang pagkainosente niya sa mga nangyari, nagturo na lang siya ng ibang tao na mababatikos ng mga sumasampalataya sa kanya. Kahit papaano ko tingnan, paling ang strategy na ito ni Willie.
Hindi tamang utuin ang mga tao, lalung lalo na yaong mga sadyang handang kumapit sa patalim para lamang mapaginhawa ang kanilang buhay o para lamang makalimot kahit panandalian sa kanilang mga tinitiis araw araw. Mas lalong masama ang lokohin sila. Kung tunay na number one sa puso ninyo ang ang inyong mga tagasubaybay, hindi ninyo sila babastusin sa pamamagitan ng pag-aassume na “hindi naman sila nag-iisip kaya OK na ang kunwaring paliwanag ko”; na "dadaanin ko na lang ito sa iyak”; na "hmm, sa iba ko na lang ibubuntong ang galit at sisi na maaari kong tanggapin dahil sa mga nangyari.”
OK lang na gawing sirkus ang mga palabas sa telebisyon basta wala itong tinatapakang batas at tao. Ang hindi OK ay pati ang katotohanan o ang panghahangad ng katotohanan ay gawing sirkus rin. Tumbukin na lang kasi ang totoo at nang marinig na ng taong bayan ang karapatan nilang marinig. Tama na yung asaran kung wala namang nasasagot sa mga mahahalagang tanong. Konting respeto naman sa masa—masa na handang tumagkilik sa anumang pagsisirku-sirko na ginagawa ninyo sa inyong mga show.
Marahil ikaw, Willie, at ang mga kasama mo sa show ang dapat talagang magsalita. Pero, please, sabihin ninyo ang mga ineexpect ng masa, ng inyong mga tagasubaybay, yung nararapat talaga nilang marinig.
Isang mahusay na pagpapaliwanag lang naman.
Hindi iyon mahirap kung tunay nga kayong inosente gaya ng sinasabi ninyo.
Saturday, September 1, 2007
Sino pa’ng magsasalita?
at 4:28 PM compartments Political Blah
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment