Saturday, August 18, 2007

Bakit Ba Hindi Ako Nag-Filipino Major?


Ito pong entry na ito ay kasali sa Wika2007 contest ng PinoyBlogoSphere. Mangyari lamang pong i-click ito para makaboto kayo. Madali lang po bumoto! Umaasa po ako sa inyong suporta. Maraming salamat po!


Minsan kong naitanong iyan sa aking sarili matapos magturo sa mga batang napakahuhusay magsalita ng Ingles.

Wala! Tiklop ako at ang pagiging Communication Arts graduate ko. Muntik na nga yatang dumugo ang ilong ko sa kasasalita sa wikang hindi naman akin sa loob ng mahigit isang oras.

Bakit nga ba ako hindi nag-Filipino major?

Hindi ko kasi alam na may ganoon palang kurso. Marahil hindi ko na rin siya inurirat dahil naisip ko, Pinoy naman ako. Filipino major by birth, kung baga. Sapat na ang mga klase ko sa Filipino para malaman ang mga dapat kong malaman. Isa pa, araw araw naman akong nagta-Tagalog. Kundi pa ba naman ako mahasa noon, ewan ko na lang!

Yon nga lang. Nakalimutan ko ang isang glitch: malabnaw ang Tagalog na kinalakhan ko. Palibhasa sa Maynila na ako pinanganak at nagkamalay, corrupted Tagalog tuloy ang nakagisnan ko. Yun bang may halong salitang kanto, pop, at bakla. Puno rin ng salitang hiram na karamihan ay galing sa mga Kano.

Kaya naman kapag malalim na Tagalog na ang binabato sa akin, napapanganga na lamang ako. Hindi pa naman ganoon kadaling maghanap ng mapagkakatiwalaang diksyunaryong Filipino. Samantalang ang mga English dictionary ay naglipana at ika nga, “they come in all sizes.”

Dagdag pa pala sa nagpalabnaw sa Tagalog ko ay ang mga ligaw na salitang Cebuano sa aking bukabularyo. Bisaya kasi ang mommy ko. At kahit dugay na siya sa Manila, Bisayang-bisaya pa gihapon! [Kahit matagal na siya sa Manila, bisayang-bisaya pa rin talaga!]

Madalas, maski ako ay nalilito kung Tagalog nga ba o Cebuano ang ilan sa mga salitang alam ko. Bagaman dahilan ng pagkalito ko ang pagkakaroon dalawang dialekto sa aming bahay, hindi naman ako nagrereklamo. Ayos nga e! Bukod sa Tagalog, kasabot pa ako ug gamay na Bisaya [nakakaintindi pa ako ng kaunting Bisaya].

Noong tumuntong ako sa kolehiyo at napasok sa Unibersidad ng Pilipinas, nagulat ang isa sa mga grupo sa klase ko nang minsang sumabat ako sa usapan Binisaya nila. May nagtanong tuloy, “Ngano man kasabot ka ug Bisaya? [Bakit nakakaintindi ka ng Bisaya?]”

Ang tanging sagot ko, “It’s a Jedi Trait!

Kung iisipin, astig siya. Sino ba ang mag-aakala na ang Manila girl na kausap nila e nakakaintindi at minsa’y nakakasalita pa ng Cebuano? Heto nga’t naglipana na ang mga Bisaya dito sa Maynila. Kahit papaano, kaya kong makipag-usap sa kanila sa wikang malapit sa puso nila. At salamat sa Sesame Street, 11 taon sa isang private school, at ilang taon sa kolehiyo, pati mga puti ay kaya ko na ring kausapin! Kahit di ako katangkaran at may kaiklian ang mga biyas, mahaba naman ang kaya kong abutin dahil sa mga wikang alam ko.

Para mas madama ko pa ang pagiging isang certified polyglot o mas kilala ng marami sa tawag na multilinggwal, ipagmamalaki ko na rin ang anim na units ng Nihonggo na ipinasa ko noong kolehiyo. Kaya ko pa rin naman magsalita ng konting Hapon gaya ng atsui [mainit], itai [aray], sumimasen [excuse me], gomenasai [paumanhin], kudasai [pakiusap], at ilan pang mga bulol na pangungusap na pihadong maiintindihan naman ng mga singkit na medyo sakang. At dahil naaalala ko pa rin naman ang Hiragana at Katakana, mga alpabetong Hapon, nakakabasa pa rin ako ng mga sulat sa Nihonggo kahit na maliit na porsyento lamang ang naiintindihan ko. Kahit papaano, nalalaman ko kung ano ang mga pinagsasabi ng isang package na imported mula sa Japan at kung anu-anong pangalan ang pinapakita sa TV ng larong Naruto sa Playstation ng kapatid ko.

Kagaya ng mga sinasabi ng mga Bisayang nakausap ko, dili na mi mabaligya [hindi na ako mabebenta]. Sa kaunting naiintindihan ko, mahuhuli ko na kung sino ang nag-tritrip lang at kung sino ang tunay na matitinong kausap.

Maaari ko ring ipagyabang ang ilang pagbati sa iba’t iba pang lengwahe na natutunan ko noong bata pa ako. Nandyan yung sawa dee ka, kap koon ka, guttenmorgen, merci, kamsamida, añongaseyo, merhaba, tutche at iba pang salita na hindi ko alam ang tamang baybay at di ko na rin maalala kung saang bansa ginagamit. Kapag may makasalubong na lang ako na banyaga, pwede akong mag-trial and error para madiskubre kung papaano ko sila babatiin. At kung maka-binggo ako, dagdag puntos na iyon sa pinagmamamalaki nating Pinoy hospitality.

Ngunit sa bandang huli, isa pa rin ang hindi ko maitatanggi. Bano ako sa sarili kong wika. Nakakahiya man aminin pero heto ako, 27 taon nang nabubuhay at naninirahan sa Pilipinas pero nanghuhula pa rin pagdating sa tuntunin ng balarilang Filipino.

Nang makasalamuha ko ang mga batang Inglisera na muntik nang magpadugo sa ilong ko, nalungkot ako dahil sa aking napagtanto. Magagaling nga sila pero mukhang limitado lang talaga ang kaalaman nila sa wikang Filipino gayong karamihan sa kanila ay Pinoy at lahat sila ay kasalukuyang naninirahan dito sa Pilipinas. Kahit na sabihin ko pang mas ginagamit ko ang wikang Filipino kesa sa kanila, wala rin kaming pinagkaiba sa isa’t isa dahil pare-pareho naming napabayaan ang pambansang wika ng mga Pinoy dahil sa aming kagustuhang maging "globally competent".

Wala namang masama sa pagpapakadalubhasa sa wikang bayaga. Ayos nga iyon dahil nadaragdagan ang kapangyarihan natin bilang Pinoy na pasukin ang kultura at kalakaran ng mga ibang lahi. Napakatalentado pa naman nating mga Pinoy pagdating sa panggagaya ng banyagang pananalita. Madali nating nagagaya ang accent ng kung anumang bansa ang ipagaya sa atin. Kaya naman patok na patok ang call center sa atin.

Sabi sa itinuro ng guro ko sa Filipino noong hayskul, “ang wika ang sumasalamin sa isang bansa.” Ang pambansa wika natin ay punung-puno ng implwensya ng iba’t ibang lahi na sumakop sa atin at pati na rin nga mga bansa nakipagkalakaran sa atin noon. Patunay lamang kung gaano kakulay ang ating bayan. Pinapakita rin ng ating wika ang ating kakayahang makipagsabayan sa mga makakapangyarihang bansa sa mundo. Kayang-kaya nating hubugin ang ating mga sarili para maging kasinggaling nila o higit pa.

Mahalaga lang talaga na pagkatapos nating hubarin ang mga hiram nating salita, alam natin kung papaano babalikan ang tunay na atin. Kung hindi na natin magawang maging kumportable sa sarili nating wika, paano na tayo? Sino na tayo? Para saan pa ang pagpapasikat natin sa mga banyaga?

Oo, maaaring tayu-tayong naninirahan sa 7,107 na isla ng Pilipinas ay madalas na di nagkakaintindihan. Ang dami kasi nating iba’t ibang dialekto! Pero kung alam natin kung sino tayo, kung ano ang nagbibigkis sa ating lahat, hindi tayo mabubuwag ninuman. At sa puntos na iyon, maipagmamalaki natin na ang mayaman nating wika ang nabubuhay na saksi sa katatagan ng ating pagiging Pinoy, Filipino major man o hindi.

* * *




PinoyBlogoSphere.com Pinoy Bloggers Society (PBS)

presents

Wika2007 Blog Writing Contest

Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa



Sponsored by:

Ang Tinig ng Bagong Salinlahi

Sumali na sa DigitalFilipino.com Club

Sheero Media Solutions - Web Design and Development

Yehey.com - Pinoy to p're

The Manila Bulletin Online

WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

6 comments:

andianka/jadiebrat said...

this is noted and will be included in the official list of the WIKA2007 entries. GOOD LUCK!

Princess Ody said...

Nakakalungkot nga pag di marunong mag-Filipino ang Pilipino. Madaming noypi sa Vienna, pero yung mga kabataan hindi marunong mag-tagalog. Pag kinausap mo ng tagalog, aleman ang isasagot sa 'yo. Swerte na kung kausapin ka gamit ang barok na tagalog (gaya ng "sinong pangalan mo?" o kaya "ako pinsan ate odessa"). Nakakaasar

tye said...

Oo nga parang isang cook na di marunong magluto o swimmer na di marunong magswim.

Siguro pinaka exact comparison ay yung "artistang di marunong umarte." Madami sila at patuloy na dumarami! Nakakahiya!

Kanoko said...

Well-written and reflective entry. Actually, yan din naisip ko dati. May naging kaklase kasi akong Filipino major at natanong ko sa sarili ko, "Bakit Filipino major? Eh Pinoy na naman tayo?" Pero kung tutuusin, palpak ako sa pagsusulat sa Tagalog kung kakaririn ko. Natutulala lang ako pag binabatuhan ako ng malalalim na salita, o minsan kahit di naman malalim pero di ko alam. Aminado ako, mahina ako sa Filipino (subject) at di ko ipinagmamalaki yun.

Anonymous said...

uy.. me like yur talumpati. its updated at di pa boring! so totoo gusto ko sana parang ganyan rin talumpati ko kaso para baka ma "failed attempt to be funny" ako. heheh.
bisaya rin ako! (apir*) at mahilig rin sa naruto!(dattebayo!)

ummm
"Wala namang masama sa pagpapakadalubhasa sa wikang bayaga"
"bagaya" talaga yun or "banyaga"?..wala lang..di ko alam..baka sadyang tanga ako at mayroon palang salitang "bagaya." ehehhe.

nahigugma man jud ko sa imong talumpati! and i also lyk the jedi part..ehehehe

God bless...salamat kaayo sa pag share ni mo sa imong gi sulat. mulag nakakuha na ko ug idea sa akong isulat sa among skul.

mwuah!
tc.

tye said...

Tama ka, "banyaga" dapat sya. Thanks for correcting me. :-)

Tapos, gamay lang ang akong kaya isulti sa Bisaya pero kasabot man ako sa sinulti mo. ;-)

Salamat sa comment!

Add to Technorati Favorites