Sa Linggo mag-40 days na siya. Ang tagal na since last ko sya nahawakan! Limited na lang ako ngayon sa pagtingin ng pictures at pagnood ng videos niya. Wala e, ganoon talaga!
Si Daddy, pagpinupunasan yung picture ni Nichi, kinakausap niya si Kulas at sinasabi, "Dong, hanggang punas na lang tayo. Di na kita mapapaliguan!"
Sounds funny pero I feel the pain in his statement.
Nung gabi bago sinintensyahan nung neurologist si Nichi (bago niya naibigay ang final interpretation ng EMG ni Nichi), di talaga ako nakatulog nang matino. Literally na naramdaman ko na may nakadagan sa puso ko. Di nga ako makahinga. Di lang ako nag-iingay dahil katabi ko si Nichi noon. Minsan nakakainis kasi sa mga nangyari, ramdam na ramdam ko na powerless ako. Sa lahat ng mga kaya kong gawin, wala doong makakapagpahaba ng buhay ni Nichi. Nag-pansit naman kami nung birthday niya! For long life sana kaso hindi sya nag-work.
Ewan ko ba! Magfoforty days na pero hindi pa rin maging tunay na normal ang buhay nang wala si Nichi. Somehow, may naiwan na void sa pagkatao ko nang mawala siya. Ang tapang ko pa naman noon dahil naisip ko, walang sinuman ang makakapag-iwan ng void sa akin. Pati pala yon hindi ko kayang kontrolin.
Minsan naiiyak pa rin ako. Kagaya nung weekend, nagbabasa ako ng lumang libro nang malaglag yung nakasingit na scratch paper kung saan nakasulat yung draft ng reaction paper ni Nichi sa isa sa mga story dun sa book. May mga reminders pa sa class nila sa gilid. Iba talaga si Kulas! marami syang ways para bulagain kami.
Nung isang linggo naman, paglipat ko sa dashboard ng blog ko, nakita ko sa isa sa mga tips na nakapost yung sample profile ng isang blogger. Ito yung pangalan niya:
"Tyrone Nicholas"...parang pinagsama yung pangalan naming dalawa.
Tapos nung isang beses naman na inanyayahan kami nung paring huling nagbasbas kay Nichi sa isang misa na para na rin sa kaluluwa niya, yung flags na naka-attach sa sides ng simbahan ay kulay green. Favorite color ni Nichi yon. Feel na feel tuloy yung presence niya doon sa simbahan. Nakakalungkot lang nga kasi yung misa na iyon ay dinaluhan ng mga estudyante sa eskwelhang malapit dun sa simbahan. Congregational mass nila kung baga. Sabit lang kami ni Mommy, kung hindi man special guest. Naisip ko tuloy, sayang! Sana isa na lang si Nichi sa mga bata doon. Healthy, kumakanta, nagsisimba habang nakikipagkwentuhan sa katabi niya.
Madalas naaalala ko si Kulas kapag ipinipikit ko na ang aking mga mata tuwing gabi. Naiisip ko kung ano ang mga huling bagay na sumagi sa kanyang isipan habang nararamdaman niya ang papalapit na pagwawakas ng kanyang buhay. Siguro takot na takot iyon. Sana talaga yung pagtayo ko at paglapit sa kanya tuwing naalimpungatan ako dahil gising siya, sana kahit papaano, nakatulong iyon para maibsan ang takot nya. Nagsisisi nga ako. Sana nakipagsiksikan na lang ako sa kama niya at nang may katabi siya sa huling magdamag niya sa mundo. Sana rin hindi na lang ako umalis sa kwarto kung nasaan siya nung buong araw ng July 24. E di sana naipadama ko sa kanya sa huling pagkakataon na lab na lab ko siya. Yun yung mga bagay na pinagsisisihan ko.
Sumasagi rin sa isip ko kung tama ba ginive up namin sya? Kasi sinasabihan na namin siya noon na magpahinga na kung pagod na talaga siya. Kitang kita naman kasi kung papaano binugbog ng sakit niya yung katawan niya. Kaya naman nung mga oras na iyon, pinakamainam na sa kanya ang magpahinga na lang. Hindi siyempre madali sa amin ang pagpahingahin na siya pero yun ang kailangan naming tiisin kesa naman tuluyan pang maghirap si Nichi. Hindi kasi iyon kagaya last year na kahit hirap siya, mararamdaman mo na may pag-asa pa. Na kaya pang lumaban.
Ang nahihirapan lang akong tanggapin e yung fact na gusto pa talaga ni Nichi mabuhay. Two weekends before nga siya pumanaw, umiyak siya sa amin ni Dad while telling us na wala nang adventure ang buhay niya. Kasi nga naman parati na lang siya natutulog. Nakakaawa talaga kasi kung siya ang masusunod, gusto niya yung buhay na laging on the go. More than double yung sakripisyo niya nang mabedridden siya.
Sana talaga dun sa mga huling oras ni Nichi e napawi na ang takot niya kaya he chose na rin to succumb to death. Mukha namang naging maaliwalas na ang mukha niya matapos siyang mabasbasan ng pari. Kaya umaasa ako na hindi na siya takot nung mga huling minuto niya.
Yun yata ang hirap kapag di nako-coma o naguulyanin ang pasyente. Up to the last minute alam niyang ang mga nangyayari sa kanya. Up to the last minute din natetest ang tapang niya.
Matapang si Nichi. Pinakita niya yon sa maraming tao. Siguro habang nabubuhay ako, hindi ko malilimutan yung bukod tanging lakas ng loob na sa kanya ko lang nakita. Hanep talaga!
Sa kabila naman ng lahat ng nangyari, ang daming tao talaga ang tumulong sa amin. Kaya naman ito ang isang thank-you note na inihanda ko para sa kanila:
Sana sa pamamagitan niyan, maramdaman nila kung gaano namin naapreciate ang lahat ng ginawa nila para sa kapatid ko. Sana rin makita nila kung gaano ka-gwapo si Nichi kahit ano pa man ang look na iniisport niya.
Yung mga masasayang pictures ni Nichi na madalas kong tingnan ngayon at yung mga kalokohan (tricks) niya sa mga video ang nagpapangiti sa akin ngayon. Yon yung tumutulong sa akin para maiwasan ko yung pakiramdam na gusto kong mag-amok dahil di ba, nawalan ako, hindi lang ng kung anong bagay lamang kundi ng isang kapatid na napakadaling mahalin at napakahirap kalimutan. Somehow feeling ko nadaya o naisahan ako. Basta, obvious ang reasons sa minsang galit na nararamdaman ko pero hindi ko siya maipaliwanag ng malinaw. Kaso, kahit ano pang tantrums ang gawin ko, hndi naman na maibabalik si Nichi.
Noong birthday ko nitong nakaraang June, sinabi ko kay Nichi, "Lab na lab na lab na lab na lab na lab... na lab kita!" Tapos tinanong ko siya, "Ikaw lab mo ako?"
"Lampas pa doon." Sabi niya. Nakaka-touch talaga.
Sinabihan ko pa nga siya, "Pwede ka nang magkagirlfriend. Ang galing mong mambola!" Pero siyempre deep inside, naiiyak ako kasi pinahahalagahan ako ng utol ko more than pa pala sa pagpapahalagang ibinibigay ko sa kanya.
Tapos kapag naman nagpapa-embrace ako sa kanya at ayaw na niyang tumayo para yakapin ako sinasabi na lang niya sa akin habang nag-bu-beautiful eyes, "Bukas na lang."
O, siya Nichi, darating din ang bukas na maeembrace kita ulit. Magpapakabait ako at nang mapunta rin ako jan sa bago mong tambayan. Lagi mong tatandaan na sa gitna ng crazy emotions ko until today, lab na lab na lab na lab na lab...na lab pa rin kita!
1 comment:
Indeed, such a bubbly and handsome utol you have! I pray that you will finally come to terms and get over the sense of loss you have right now.
So poignant, yet so inspiring!
God Bless!
p.s. thanks for the visit in my blog. :-)
Post a Comment