Tuesday, May 15, 2007

Sa Isa kong boto


Sa aking pagboto, inaasahan ko ang mga sumusunod:

1. Madadagdagan ang mga matitinong tao sa Senado at sa lokal na gobyerno na rin. Kasabay nito, masisiguro na mawawalan ng lugar ang mga bulok na opisyal sa pamahalaan.

2. Iyong may talino at kakayahan ang mauupo sa susunod na mga taon. At ang mga ito ay hindi mag-aalinlangang gamitin ang kani-kanilang mga puso’t kunsensya sa mga desisyon nilang makaaapekto sa bayan.

3. Mababawasan na ang mga nagugutom at natatakot sa sarili nating bayan.

4. Matatamasa na ng mga kabataan ang mas marami pa nilang karapatan na dapat naman talaga ay natatamasa nila. Mas magkakaroon na sila ng pagkakataon sa dekalidad na edukasyon, hustong kalusugan, matibay na bubog sa tag-ulan at tag-araw, at busog na tiyan.

5. Mapapahalagahan na ang mga manggagawang Pilipino na siyang nagtatrabaho nang tapat at walang palyang nagbabayad ng kanilang mga buwis. Habang ang mga malalaking korporasyon at negosyante naman ay gagawing huwaran ang mga maliliit na manggagawa kaya naman sila na rin ay magtatrabaho nang tapat at magbabayad ng buwis na nararapatan sa kanila.

6. Magkakaroon na ng tunay na pagbabantay sa ating kalikasan. Aanhin nga naman natin ang mataas ekonomiya kung isinusuka naman na tayo ng lupang kinatatayuan natin?

7. Mas magiging maayos ang bayan natin sa iba pang aspeto na nakaligtaan kong banggitin.

Oo alam ko na masyadong idealistic ang mga inaasahan ko. Pero hindi ba’t iyon ang pag-asang dala ng eleksyon? Na sa isa mong boto, magiging posible ang mga mabubuting pagbabago? Na pwedeng umusad ang ating bansa?

Sa kabila ng pangambang dala ng nagbabadyang dayaan, palagay ang loob ko na may ginawa ako sa ikabubuti ng ating bayan. Nagsalita ako dahil may malasakit ako sa mga nangyayari sa paligid ko. Hindi ako umupo at nanood na lamang. Nakibahagi ako sa pagsulong ng mas magandang bukas para sa ating lahat.

Hindi man ako maging Konsehal, Mayor, Congressman, o Senador, mayroon pa rin akong maipagmamalaki sa mga kapwa ko Pinoy: Pinahalagahan ko ang aking karapatan at ginamit ko ito sa ikagiginhawa ng bayan.

No comments:

Add to Technorati Favorites