Wednesday, June 13, 2007

A Not-So-True Story

Malakas ang ulan.

Sa isang bakanteng waiting shed, may susukob na isang babae na basam-basa ng ulan.


Babae: (Titingin sa paligid. Mapapansing siya lang mag-isa.) Waaaahhh!

Lalakas pa lalo ang ulan.

May darating na lalaki. Susukob din sa parehong waiting shed. Di siya masyadong basa di tulad ng babae dahil may dala siyang payong.


Lalaki: Miss, OK lang kayo?

Babae: (Titingin nang masama sa lalaki. Babalik sa pagngawa.) Wahhh!

Lalaki: OK lang yan, Miss. Lahat naman yata tayo nabasa sa lakas ng ulan na ‘to.

Babae: (Hihikbi) Hindi naman yon e. (Susubukang piligan ang sarili sa pagkwento pero magpapatuloy pa rin.) Birthday ko bukas. (Pipigilan muli ang sarili pero mapapabulalas pa rin.) Wahhh!

Lalaki: (Matutuwa) Ay, happy birthday, Miss!

Babae: Umiiyak nga ako tapos, “happy”!?

Lalaki: (Mapapaisip)

Babae: 27 na ako bukas. Huhuhu.

Lalaki: Naku, ka-edad mo pala yung bunso kong kapatid na ikakasal sa isang linggo.

Babae: Wahhh!

Lalaki: Ay wag ka umiyak! (Magpa-panic.) Bata ka pa naman kagaya nung kapatid. (Magpapakaseryoso) Sinasabihan nga namin siya na masyado pa siyang bata para mag-asawa.

Babae: Hindi naman 'yon ang iniiyak ko. 27 na kasi ako pero parang wala pa rin akong nagawa sa buhay ko.

Lalaki: Grabe ka naman magsalita, Miss—

Babae: Kagaya nyan, wala pa akong asawa. Ni wala nga akong jowa. (hihikbi)

Lalaki: Baka naman hindi nyo pa talaga panahon magka-syota.

Babae: Simple lang nga yang jowa-jowaan na yan, di ko pa magawa. Mas lalo na yung magpakasal.

Lalaki: Darating naman yan, Miss, kahit hindi mo hinihintay.

Babae: Hindi ko naman talaga hinihintay yon. Kaya lang madalas naiisip ko na kung yung bagay na yon na kayang gawin ng lahat ng tao sa paligid ko ay hindi ko kayang gawin, papaano pa kaya yung mga malalaking bagay?

Lalaki: Iba-iba naman tayo, Miss.

Babae: Hindi rin. Tinganan mo. Alam ng lahat ng nakakakilala sa akin, I’m going to be great someday pero ano? 27 na ako pero ganito pa rin ako.

Lalaki: Bakit, Miss, ano po ba kayo?

Babae: Ordinaryo.

Lalaki: (Hindi makakaimik.)

Babae: Hindi ko naman pangarap magkaroon ng rebulto kahelera ni Lapu-Lapu at Rizal sa Maynila. I just want to do something big in life.

Lalaki: Hindi pa naman huli para magawa niyo ang pinapangarap niyo. Si Julio Igelias nga 40 years old na siya nang ma-discover niyang marunong siyang kumanta.

Magsisimula nang humina ang ulan.

Babae: (Sisinghot.) Ganoon? E di may pag-asa pa pala ako!

Lalaki: Oo naman, Miss. Sabi nga ng Lola ko noon, habang buhay pa ang isang tao, limitless ang capacity niya to do great things.

Babae: Ang totoo niyan, ayaw ko naman talagang sumikat. Gusto ko lang maka-contribute ng something good for the people around me para naman pagtulog ko sa gabi, maghihilik ako ng nakangiti.

Lalaki: Kaya mo yan, Miss. At kung ano pa man ang iba mo pang hinahanap, makikita mo rin sila balang araw.

Tuluyan nang titila ang ulan.

Babae: (Aayusin ang sarili. Ngingiti.) Pasensya na’t kailangan mo pang makita yung pagngawa ko kanina.

Lalaki: Ayos lang yon, Miss. Birthday mo naman e. Happy birthday nga pala ulit.
Babae: Salamat.

May titigil na FX sa harapan ng waiting shed. Matatakpan ang Lalaki at Babae.

Magdidilim ang entablado.

No comments:

Add to Technorati Favorites